dear tao,
kamusta na? balita ko'y hinahanap mo na naman daw ako. alam ko na dialog mo, "palagi naman eh!". heheheheh.
may gusto sana akong sabihin. narinig ko kasi minsan na sinabi mo raw na masama ako. sana naman pinag-isipan mo muna iyan bago mo man lang sinabi. gustuhin ko mang balewalain yun, hindi talaga nawawala sa isip ko. sana maintidihan mong kahit sa paraan mang ito ay maidepensa ko naman ang sarili ko.
hindi ako masama. ginawa nga ako para mapadali ang pagkakaroon mo ng mga bagay na gusto mo. kaya lang, bago ako mapalapit sa iyo'y kailangan mo munang magtiis at magpakahirap ng konti. . . trabaho ata tawag dun.
merong mga kauri mo na gusto ng madalian. kinukuha ako nang sapilitan. gustuhin ko man yun o hindi ay hindi na iyon sakop ng aking kakayahan. masama pa nito, may mga kauri mo pang nagbubuwis ng buhay makuha lang ako. at malamang sa hindi, ako na naman ang sasabihing dahilan kung bakit nagaganap ang mga iyon. sa parteng yun ata ako nagiging masama. ako na naman ang dahilan. . .
sana naman maisipan mo ang ilang bagay. walang pera na nanakit ng kapwa pera. walang pera na nandadaya ng kapwa pera. may larawan nga ako ng tao pero walang pera na mukhang tao, tao lang ang mukhang pera (di ko rin alam ba't naikumpara pa ang mukha ko sa mukha mo). walang pera na nag-iisip ng masama sa kapwa pera dahil lang sa tao.
marami pa akong gustong sabihin kaso sulat nga lang pala ito at hindi libro.
huling hirit lang po. wala pang perang nagdedisisyon para sa tao, laging ang tao ang nagdedisisyon sa kanilang pera. hindi po ako masama, nagagamit lang po sa masama. sa kung sino man ang gumamit, hindi ko na po siguro kailangang sabihin. ang sa akin lang, sigurado akong kung may masama man, hindi po ako yun.
gumagalang,
PERA

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento