kumusta, kaibigan?
ako si Bantay, ang iyong bespren. matagal na rin tayong magkasama at naging magkapartner sa maraming bagay. kaya mo nga ako tinawag na bespren, di ba?
hindi mo lang ako naging kaibigan, naging katuwang mo pa ako sa maraming bagay tulad ng pagbabantay sa mga tupa, tumatao sa bahay (kahit na aso naman ako), humihila sa iyong sinasakyan doon sa nagyeyelong lugar, taga alalay sa mga bulag, kasa-kasama ng mga pulis sa panghuhuli ng kriminal at marami pang iba. ganun tayo ka close, oh! (itinaas at inilapit sa isa't isa ang dalawang unahang paa)
ang saya nga ng samahan natin. para na rin akong tao minsan. naisip ko nga na kung marunong lang akong magdrive ng kotse, naipagmaneho man lang sana kita minsan at nang maranasan mo naman kung gaano kasaya ilabas ang ulo sa bintana ng sasakyan at salubungin ang malakas na hangin habang nakalabas ang dila.
kaya lang may narinig ako minsan. paangas mong kinausap ang isa mong kauri dahil ito ay ngiting aso. masama ba akong ngumiti? pero siguro mas gusto mo lang makita ang ngiting yun sa sarili kong labi.
yun nga lang, parang nasaktan na ako nang tawagin mong BITCH ang isang babaeng tao na parang nandidiri ka. sana naman kung may galit ka o hindi nagustuhan sa babaeng iyon ay hindi mo na lang inihalintulad sa aming kapareha. hindi man nakikita o iba man sa iyong paraan, nirerespeto namin ang mga babaeng aso. isang karangalan sa amin ang magustuhan ng isang bitch. hindi mo man marespeto ang aking lahi sana naman ay huwag mo na lang itong ihambing sa mataas mong uri.
nagpasalamat nga pala ako sa tuluyan mong paggawa ng batas laban sa pagkatay at pagkain ng aking lahi. isang malaking tulong yung nagawa mong iyon. may nais lang sana akong hilingin. matagal mo namang nagawa ang batas na iyon di ba? panahon na siguro para itoy mahigpit na ipatupad, kaibigan. . .

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento