Huwebes, Agosto 18, 2011

gusto kong gumawa ng tula

gusto kong gumawa ng tula
napapanahon
diretso
malinaw
may punto
naaayon sa paksa

gusto kong gumawa ng tula
yun mismong tungkol sa aking bansa
makita man lang nila
ang kagandahan nitong naiiba

gusto kong gumawa ng tula
saan kaya ako mag-uumpisa?



gusto kong gumawa ng tula
sa kalikasan na lang muna
sandali
teka lang
lagi nga pala kaming binabaha

gusto kong gumawa ng tula
tungkol sa aming pagkakaisa
wag na muna ngayon
dagsa pa kasi ang rallyesta
pwera na doon
ang kinatatakutan naming gyera

gusto kong gumawa ng tula
sa masagana naming ani
wag na pag-usapan
marami pa rin ang walang makain

gusto kong gumawa ng tula
sa matatalino naming gradweyts
petiks muna ngayon eh
wala pa raw trabahong bakante

gusto kong gumawa ng tula
respeto sa relihiyon ng bawat isa
exempted sa tv at radyo
doon nagbabatuhan sila

gusto kong gumawa ng tula
sa bayanihan naming sobrang saya
sumikat na nga
mang jose at iba pa
superherong puedeng maarkila

gusto kong gumawa ng tula
kalayaan ng balita
iba na lang kaya?
may pinatay na naman kasing reporter kanina

gusto kong gumawa ng tula
sa serbisyo ng aming tagapamahala
hindi pa kasi namin alam kung sino talaga
malapit nang matapos ang termino
di pa rin tukoy ang tunay na panalo

gusto kong gumawa ng tula
sa pinakamamahal kong bansa
bayan kong Pilipinas
wag muna po ngayon
di pa yata ako handa

pero gusto ko talagang gumawa ng tula
...
. . .
.   .   .
.     .     .
wag na nga!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento